Tuesday, April 27, 2010

Bakit Ayaw ng Iba sa Jejemons?

Maraming tao ang ayaw sa mga Jejemons. Maaaring may kanya-kanya silang mga dahilan, o maaaring may iisa talagang dahilan kung bakit ayaw nila sa mga tinaguriang Jejemons. Sa aking pagsasaliksik ay nakita ko kung paano kasuklaman ng iba ang mga Jejemons. Meron din namang iba na kinatutuwaan ang mga Jejemons, at meron din namang kibit-balikat lang. May ilan naman na idinedepensa sila sa mga kritiko. Ang tanong: bakit nga ba ayaw ng iba sa mga Jejemons?

Ang sagot sa tanong, sa tingin ko, ay depende sa kung sino ang may ayaw. May ilang klase na ng mga ayaw sa Jejemons ang aking napuna.

Strict Grammarians
Sila madalas 'yung nagsasabi/nagtatanong na "hindi ba kayo nag-aral?" o 'di kaya'y "wala ba kayong mga pinag-aralan at ganyan kayo magsulat/mag-type?" Madalas ay English ang kanilang mga banat sa mga Jejemons, dahil na rin siguro para masabing sila ay "educated" o may pinag-aralan, o marahil ay para masabing sila'y kabilang sa mga social elites. Sa aking pananaw, sila 'yung mga tipong asiwa sa mga mali-maling spelling, pangit na sentence structure, o ang madalas na mga pagkakamali sa "grammar". Alam nila ang tama at ang mali pagdating sa Ingles o Tagalog kaya naman hindi nila matanggap ang pagbaluktot sa "rules" ng wika. Isang malinaw na halimbawa dito ang naging kampanya ng Department of Education kamakailan na puksain ang pamamaraan ng pagsalita at pagsulat ng mga jejemon sa mga paaralan.

Nakikiuso
Dahil uso ang pagpuna sa mga Jejemons ay hindi na nakakagulat kung may ilan na nakisali na rin, kahit na minsan ay maituturing rin sila ng iba na Jejemons. Sila 'yung sumasakay sa kung ano ang sikat lalo na sa internet. At dahil minsan ay nakibagay lang sila at hindi talaga alam ang puno't dulo ng lahat ay kung anu-ano na ang kanilang isinasali sa kategorya ng Jejemons. Nandyan na ang pagsali sa mga mahilig magpatong ng makukulay na baseball cap sa kanilang ulo, o sa mga kabataang tila buhay "gangster" ang pilit na ginagayang pamumuhay, pagsasalita at pananamit. At dahil dumami na rin ang bilang ng mga nakikiuso sa mga tumutuligsa sa mga jejemon ay hindi na nakapagtatakang tuluyan nang maisama sa grupo ng jejemons ang kung ano man na isama ng mga nakikiuso dito. Ayaw ng mga nakikiuso sa jejemons dahil ayaw lang talaga nila, o pwede na rin siguro na naiirita sila.

No comments:

Post a Comment

Buksan ang isipan.